Sunday, September 5, 2010

At dahil mahal kita/Dahil sa iyong pag ibig

Isang umaga, habang lulan ako ng bus pauwi ng Rizal galing opisina, naisip ko ang linyang "hahanapin kita sa aking panaginip". Malungkot ang paligid ng araw na iyon (Sept 3), maulan at napakalamig sa loob ng bus. Pag uwi ko ng bahay ay nagsulat ako. Ito ang kinalabasan:

AT DAHIL MAHAL KITA

Hihintayin kita sa aking panaginip
Mahihimbing akong sa iyo'y nananabik
Pipikit akong ikaw pa rin ang nasa isip
Hahanapin kita sa aking panaginip
Kapag ikaw ay kapiling na
Walang sandaling sasayangin sinta
Bubuhayin natin ang mga mga ala-ala
At kung maari sanay hindi na magising pa
Sabay nating tatawirin ang bahaghari
Aakyatin mga ulap hanggang kumulimlim
Hawak-kamay na bibilangin ang mga bituin
Susungkitin natin ang buwan sa gabing taimtim
Babalik rin tayo sa ating tagpuan
Kung sa'n nagsimula ating pag-iibigan
Iuukit kong muli ang iyong pangalan
Sa puno na madalas nating sinasandalan
Kapag wala na tayong maisip gawin
Dadalhin naman kita sa ating hardin
Uupo ako sa tabi mo at sa langit ay titingin
Muling idadalangin na ako sana'y kunin Niya na rin.


Isang kaibigan ang sumagot sa tulang ito, yun nga lang, mas maganda pa ang gawa niya kesa sakin, napaka-makata talaga niya. 

Dahil sa iyong pag-ibig by Sinta Isaac

Irog, ngayong gabi ikaw sana'y humimbing
sa iyong panaginip ako'y iyong hanapin,
alam kong ika'y nananabik sa aking pagdating
sa loob ng iyong puso ako sana'y hintayin.

At sa sandaling tayong dalawa'y magkapiling
bagamat ito'y panaginip, iyo sanang damhin
ang nilumot na alaala ating muling buhayin
ngunit sa huli'y kailangan mo pa ding gumising.

Itatawid kita sa tulay ng mga ulap
patungo sa bahagharing ating pinapangarap
pilit nating papangalanan ang bawat bituin
at pagmamasdan kita sa ilalim ng buwan at dilim.

Ibabalik kita sa init ng aking mga bisig,
ang bisig kong kinakapitan mo ng mahigpit
Muli mong iuukit ang pag-ibig sa aking katawan,
dito sa loob ng ating mga puso ang ating tagpuan.

At sa sandali nang ating pananahimik,
ipakita mo sa akin ang mga rosas nang pag-ibig,
humimlay ka sa aking tabi at ang mata'y ipikit,
sa ganoong paraan lamang tayo maaaring magtalik...

dito sa sarili nating langit.


Salamat ulit Sinta, hindi ko makakalimutan ang tulang ito :)

No comments:

Post a Comment