Wednesday, March 3, 2010

Kailan

Kailan ba maluluklok ang tinatapakan,
babangon mga dangal na niyuyurakan?
Kailan ngingiti ang sangkatauhan,
gigising na may sikmurang hindi kumakalam?

Kailan tatawa ang syang pinagtatawanan?
kailang hahagkan ang pinandidirian?
kailan matatakot ang walang pinaniniwalaan?
kailan mananagot ang mga nanlalamang?

Kailan malilinis ang mga lansangan,
sa mga batang dapat ay nasa paaralan?
Kailan ang matatanda'y lalagi sa kanilang tahanan,
at mapapahinga sa pagkayod para may panghapunan?

Kailan matitigil ang mga bakbakan,
at wala nang hahandusay na duguang katawan?
Kailan pa ba giginhawa at makikinabang,
ang mga manggagawang nahihirapan?

Kailan magsisilbi ang siyang pinaglilingkuran,
at titingala ang mga naghahari-harian?
Kailan aayos ang gobyerno't pamahalaan?
hanggang kailan magpapadala sa kanilang kapangyarihan?

Maraming tanong sa aking isipan
parang halos lahat ay walang kasagutan
marahil kung hindi kikilos at hindi lalaban
habangbuhay tayong alipin sa sariling bayan.

No comments:

Post a Comment